Friday, July 06, 2007

KUMUSTA NA ANG BUHOK MO?

musta na ang buhok mo?
nakalugay, sumusunod sa galaw
mahaba at mukhang mabango sagana sa alaga
walang hirap, walang pagkabigo.

musta na ang buhok mo?
bakit kamot ka ng kamot
ulo'y malapit ng dumugo
kuko'y pudpod na, parang walang asenso
pinabayaan bang matatawag?

musta na ang buhok mo?
bakit ka nagpakalbo?
malinis bang tingnan, malayo sa bigat
ng pakikipagsapalaran na ang lula'y
kawalan at panghihinayang?

musta na ang buhok mo?
bakit kaya 'di mo itali,
ipusod mo... basta nakataas.
baka sakali umaliwalas
luminaw, dumiretso,
walang pag-aalinlangan.

musta na ang buhok mo?
ang kulot daw salot... ito ba'y totoo?
ayusin mo naman.
bakit liko-liko, magsumikap ka
huwag puro na lang pagsuko.

naaalala mo pa ba ang buhok ko noon?
mahirap din ayusin, magulo
kumplikado, walang patutunguhan
'di nasusuklay... walang direksyon.
pero ngayon... namamasdan mo ba?
may pagbabago, gumaganda
bumabagay sa hitsura, sa pagkatao.
halata ang pagsisikap na mapabuti.

ikaw? kumusta na ang buhok mo?
huwag sana ipagwalang bahala...
mahalaga ang bawat hibla ng buhok mo.
ayusin mo hangga't may panahon pa,
at sa muling pagkikita...
maaari mong ipagmalaking...
ang buhok mo'y may patutunguhan na!

by:
Ryann T. Cabangon
26-Jun-07

No comments: